--Ads--

BAGUIO CITY – Aabot sa isang daang katao mula sa ibat-ibang ahensia ng gobyerno at mga non-government organizations ang lumahok sa ceremonial “Boge ad Viewpoint” o rice planting sa bayan ng Banaue, lalawigan ng Ifugao.

Ayon kay Banaue Mayor Jerry Dalipog, ito ang hudyat ng pagsisimula ng planting season o panahon ng pagtatanim sa kanilang bayan.

Sinabi niya na nagsimula ang taunang aktibidad noong 2013 at ito ay isang joint project ng lokal na pamahalaan ng Banaue at ng Barangay Viewpoint.

Aniya, kasama din nila sa programa ang Universal Harvester, Inc. at mga volunteers mula sa Rice Terraces Restoration.

Dinagdag pa niya na patuloy ang kanilang pagtatrabaho para maibalik ang dating Banaue Rice Terraces na kinikilala bilang “Eighth Wonder of the World” at idineklarang National Cultural Treasure sa bisa ng Presidential Decree No. 260.

Aniya, sa pamamagitang ng tulong ng ibang ahensia ng pamahalaan at personalidad ay nabigyan ng kabuuang P200 million ang restoration ng Banaue Rice Terraces mula sa General Appropriations Act na ipapatupad ng Department of Public Works and Highways, Department of Agriculture at Department of Tourism.

Napag-alaman na may 12 na rice rituals sa Ifugao sa buong rice growing cycle para mapanatili ang balanse ng mga taga-Ifugao sa kanilang kapaligiran at maipasigurado ang masaganang ani ng mga ito.