BAGUIO CITY — Pinaigting ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang kampanya nito laban sa human trafficking sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa mga bagong modus ng mga trafficker.
Ayon kay CFO Emigrant Services Officer Joshua Dave Garcia, sa ilalim ng Republic Act 9208, na inamyendahan ng RA 10364 at RA 11862, maituturing na human trafficking ang pagre-recruit, pagdadala o pagtatago ng tao gamit ang panlilinlang, pamimilit o iba pang paraan para sa layuning pagsamantalahan sila sa sapilitang paggawa, sekswal na eksploitasyon, organ harvesting, pang-aalipin o iba pang ilegal na gawain.
Binigyang-diin ni Garcia na hindi lamang kidnapping o prostitusyon ang human trafficking at maaari itong mangyari sa loob o labas ng bansa.
Aniya, kabilang sa mga bagong modus ng mga trafficker ang pagsasamantala sa mga mangingisda, sapilitang paggamit sa mga biktima sa ilegal na aktibidad, online sexual exploitation of children, at mga ilegal na marriage o matching scheme na nagkukubling dating services.
Hinimok ni Garcia ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad sa IACAT Actionline 1343 o sa Commission on Filipinos Overseas.
