BAGUIO CITY – Nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng Baguio City sa inaasahang pagdating ng maraming turista sa darating na holy week.
Ayon kay Police Captain Angeline Dongpaen, public information officer ng Baguio City Police office, mahigit 1,000 na operatiba ang ipapakalat sa Summer Capital of the Philippines para matiyak ang seguridad ng publiko.
Aniya, kasama dito ang pulisya, tatlong daang volunteers, at mga miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Inaasahan namang aabot sa 50,000 hanggang 80,000 ang mga bisita na dadagsa sa lungsod bawat araw.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Frankie Cortez, OCD – CAR Operations Officer, nakataas na sa blue alert ang emergency operation center nito para bantayan ang mga religious activities, mga tourist destinations at ang pagsunod sa tourism protocols.
Ayon naman kay City Administrator Engr. Bonifacio Dela Peña, handa na ring nag mga accommodation stablishments sa City of Pines.
Gayunman, binalaan niya ang publiko laban sa scam dahil marami pa ring nabibiktima dito tulad noong selebrasyon ng Panagbenga Festival noong nakaraang buwan.
Dahil dito, hinimok nito ang publiko na suriing mabuti kung lihitimo ang VISITA APPlication ng mga accomodatin establishments.
Samantala, bagama’t hindi ipinagbabawal ang pagsasagawa ng konsiyerto o anumang entertainment, hinimok ni Dela Pena ang publiko na igalang nila ang holy week lalo na sa Biyernes Santo dahil ito ang araw ng kamatayan ni Hesu-kristo.