--Ads--

BAGUIO CITY – Handang-handa na ang City Tourism Office sa nalalapit na pagbubukas ng PANAGBENGA O Flower Festival sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Aloysius Mapalo, City Tourism Officer, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Baguio Flower Festival Foundation Incorporated (BFFI) para masiguro ang matagumpay na pag-uumpisa at pagtatapos ng nasabing aktibidad.

Inaasahan na muling masisilayan ang mga naglalakihan at makukulay na aktibidad na inaabangan ng karamihan gaya na lamang ng Fluvial Parade, Panagbenga Grand Street Dance Parade at Panagbenga Grand Floral Float Parade na gaganapin sa susunod na buwan.

Samantala, tudo naman ang pagpapaalala ng City Tourism Office sa mga turista dahil sa lumalaganap na online booking scam.

Kamakailan lamang ay nakatanggap ang nasabing opisina ng reklamo ukol sa bogus na online transaction.

Aniya, nag-book online ang biktima ng hotel na kanyang matutuluyan subalit kalaunan ay nalaman niya na hindi pala ito lehitimo na website.

Dahil dito, hinikayat muli ng City Tourism Office ang mga turista na magrehistro sa VISITA APPLICATION dahil dito matatagpuan ang mga lehitimo na hotel at accomodation establishment sa lungsod.

Matatandaan na nag uumpisa ang selebrasyon ng Panagbenga Festival sa unang linggo ng Pebrero at magtatapos ito sa unang linggo ng Marso.