
BAGUIO CITY – Kinumpirma ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG Mountain Province Provincial Field Unit sa Bombo Radyo ang pagkakaaresto sa isa sa mga co-accused ni dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. alas-dose kuwarenta ng madaling-araw, Enero 20, 2026, sa Halsema Highway sa Barangay Bangao, Buguias, Benguet.
Kinilala ang inarestong suspek na si Christina Mae del Rosario Pineda, 38-anyos, cashier ng Department of Public Works and Highways – Bulacan First District Engineering Office.
Alas-singko ng umaga kanina, ibiniahe ng CIDG-Cordillera ang suspek sa Region 3.
Sa phone interview ng Bombo Radyo Baguio sa PNP-CIDG Mountain Province Provincial Field Unit, sinabi ng mga awtoridad na bumisita ang suspek sa Mountain Province at nagkataong inilabas ang warrant of arrest laban sa kanya kahapon.
Sinubukan umano nilang hanapin ang suspek sa Mountain Province subalit hindi ito agad natunton.
Dahil dito, sinundan ng mga operatiba ang galaw ng suspek hanggang sa maabutan at maaresto ito sa Halsema Highway sa Barangay Bangao, Buguias, Benguet.
Matatandaang kahapon, Enero 19, ay naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest at hold departure order laban kay dating Senador Revilla at anim na iba pa, kabilang si Pineda, na nahaharap sa kasong malversation kaugnay ng flood control project sa Pandi, Bulacan.
Una namang sumuko si dating Senador Revilla sa PNP-CIDG kagabi.









