Inaasahan ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec)–Baguio na makakakuha ng humigit-kumulang limang daang bagong rehistrante mula sa tatlong unibersidad sa Baguio City.
Ayon kay Atty. John Paul Martin, Election Officer ng Comelec–Baguio, bagama’t wala silang itinakdang target na bilang, dahil sa laki ng mga unibersidad ay inaasahan nilang marami ang magpaparehistro.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan sila sa mga student leaders ng mga unibersidad upang maisama ang mga ito sa registration campaign.
Maaari nang magparehistro ang mga 15 taong gulang pataas upang makalahok sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa Nobyembre 2 ngayong taon.
Aniya, ang Register Anywhere Program ng ahensya ay hindi lamang bukas para sa mga residente ng Baguio City kundi maging sa mga nakatira sa mga kalapit na lugar.
Samantala, sinabi ni Martin na kailangan pa ring magsagawa ng off-site registration dahil kakaunti ang turnout ng mga nagpaparehistro sa kanilang opisina.











