Ibinahagi ni Atty. John Paul Martin, Provincial Election Supervisor ng Comission on Elections (COMELEC) Mountain Province, ang kasalukuyang mga hakbang at paghahanda ng kanilang tanggapan para sa darating na halalan, kabilang ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elecions (BSKE) at ang 2028 National and Local Elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi nitong kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang workshop sa pagbuo ng Terms of Reference (TOR) para sa mga kagamitang gagamitin sa halalan. Layunin nitong matiyak na maayos ang proseso ng procurement bago ang bidding ng election equipment.
Pinaigting din ang voter registration sa pamamagitan ng off-site o satellite registration sa iba’t ibang barangay at paaralan. Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala ng mahigit 4000 botante na ang nakapagparehistro, na nagpapakita ng mas pinalakas na kampanya ng COMELEC sa pag-abot ng serbisyo sa mga residente.
Upang higit pang mapalawak ang voter education, isang inisyatiba na may layong ipalapit ang serbisyo sa mga botante, ang pagkakaroon ng Memorandum of Agreement sa Mountain Province State University, upang ang lahat ng campuses ng eskwelahan ay mapuntahan para sa off-site regisration at para na rin sa deployment ng estudyante bilang bahagi ng kanilang immersion program.
Bukod dito, hinihikayat din ang mga kabatang may edad 18 hanggang 24 na tumakbo bilang kandidato sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE), upang matugunan ang kakulangan ng mga SK candidates.
Ipinahayag din ni Atty. Martin na handa na ang mga Certificate of Candidacy para sa BSKE Elections sa darating na Nobyemre. Samantala, pinaaalalahanan ang mga nais tumakbo na I-attach ang kanilang birth cetificate bilang isa sa mga kinakailangan.
Patuloy na inaanyayahan ng COMELEC ang publiko na magparehistro bago ang deadline ng satellite voter registration sa Mayo 18, at bantayan ang mga anunsyo sa opisyal na Facebook pages ng COMELEC Mountain Province at ng kani-kanilang munisipyo para sa iskedyul ng off-site registration. | via Althea Lopez, Bombo Local News Correspondent











