BAGUIO CITY – Nakatakdang maihinto ang operasyon ng Philippine Airlines sa Loakan Airport, Baguio City na may rutang Baguio-Cebu-Baguio sa Hulyo uno ng kasalukuyang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio Dela Peña na hihinto ang commercial flight ng naturang airlines dahil hindi na umano ito feasible at viable o nalulugi na sila at hindi na nila kayang alalayan ang kanilang operational cost.
Idinagdag pa niya na ang inisyatibo ng Philippine Arlines na pagtitigil ng commercial flight ay magbibigay ng prayoridad sa kaligtasan ng mga pasahero lalong lalo na at naideklara ang pagsisimula ng tag-ulan.
Dahil dito, tinatapos na ang mga nakabook na flight ngayong buwan ng Hunyo at siniguro naman ng Philippine Airlines na irerefund nila ang mga makakanselang flight sa mga pasahero.
Gayunpaman, sinabi ni Dela Peña na posible pa rin na maibalik ang operasyon ng Philippine Airlines (PAL) sa Loakan Airport kung masosolusyonan ang mga naturang problema.
Sa kasalukuyan ay bukas pa naman ang Loakan Airport para sa mga chopper pero kailangan pa ring sundin ang iskedyul.