Baguio City – Hiniling ni Baguio City Congressman Mauricio Domogan sa mga opisyal ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na sundin ang 19 Conditionalities kaugnay ng operasyon ng Camp John Hay.
Ginawa ito ng opisyal sa pagdinig ng House Special Committee on Bases Conversion noong nakaraang linggo kasabay ng pagtalalay sa binubuhay na dalawang panukalang batas na naglalayong bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang BCDA kasama ang kapangyarihan nitong makapagbenta ng 10% ng mga lupang nasa ilalim nito.
Sa nasabing pagdinig, iginiit ni Cong. Domogan sa komite na hindi dapat isama ang Camp John Hay sa naturang mga panukala dahil labag ito sa 19 Conditionalities na nakapaloob sa Resolution 362-1994 ng Baguio City.
Matatandaang naipasa ang natutang mga panukalang batas sa nakaraang Kongreso ngunit bineto ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasabay nito, hiniling din ni Atty. Domogan sa BCDA na unahin nito ang pagtupad sa Condition No. 16, na nag-aatas na ibigay sa Baguio City ang leased premises ng Camp John Hay matapos mapaso ang lease contract ng mga ito.
Inilahad din niya sa nasabing pagdinig ang historical facts kung bakit nabuo ang 19 Conditionalities kasama ang legalidad nito, at iginiit na malinaw ang mga ebidensiyang sumusuporta dito, kabilang ang mga desisyon ng Korte Suprema.
Hinamon din ng opisyal ang BCDA na kung hindi tatalima ang mga ito ay patuloy na ipaglalaban ito ng lungsod ng Baguio hanggang ito ay makakaabot sa Pangulo.
Kaugnay nito, nakatakda namang magsumite si Cong. Domogan ng isang position paper sa House Special Committee on Bases Conversion para sa mas malalim na pag-aaral sa nasabing isyu.//ASP










