BAGUIO CITY – Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nananatili pa ring ang Cordillera Administrative Region ang pangunahing pinanggagalingan ng bilyon-bilyong halaga ng marijuana na nakukumpiska sa bansa.
Sinundan naman ito ng Rehiyon uno at National Capital Region.
Sa rehiyon Cordillera, natukoy ang probinsiya ng Benguet at Kalinga bilang mga areas of concern.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rosel Sarmiento, Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Cordillera, kabuuang 4.8 billion pesos na halaga ng marijuana at iligal na droga ang nakumpiska sa rehiyon noong nakaraan taon.
Mula sa nasabing bilang, 576 million pesos na halaga ng shabu ang nasamsam, 3.75 million pesos na halaga ng marijuana plants ang binunot at sinunog sa plantation sites habang 133,000 pesos na halaga ng marijuana bricks ang nasabat sa mga interdiction at checkpoint operations.
Ayon kay Sarmiento, tumaas ang bilang ng mga nakumpiskang marijuana at shabu noong nakaraang taon kung ikukumpara noong taong 2022.
Naaresto rin ang tatlong daan at limampu’t limang (355) drug personalities sa mahigit walong daang anti-drug operations na isinagawa ng ahensiya mula Enero hanggang Disyembre noong nakaraang taon.
Samantala, nananatiling malaking hamon sa ahensiya ang mga cultivator na hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy sa kabila ng mga alternatibong programa na inaalok ng gobyerno upang matulungan ang mga ito.
Gayunman, tiniyak ng opisyal na mas hihigpitan pa nila ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.