--Ads--

Labis din ang pagdadalamhati ng Cordillera Basketball Team matapos nilang malaman ang pagkamatay ni Rene Clert “Bobet” Baterbonia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mhyco Jhess Mangaoang, team captain ng Cordillera Administrative Region Athletic Association o CARAA men’s basketball, sinabi niyang hindi sila makapaniwala sa unang balita, ngunit nang makumpirma ito ng coach ni Baterbonia ay saka lamang sila tuluyang naniwala.

Inilarawan ni Mangaoang si Baterbonia bilang mabait, hindi “dirty player,” at hindi mayabang—isang tunay na sportsman umano sa loob at labas ng court.

Ayon pa sa kanya, ikinatuwa nila ang pagkakataong makalaban ang defending champion sa Palarong Pambansa, kahit hindi nila inasahang makakaya nilang tapatan ang koponan ni Baterbonia.

Matatandaang nakaharap ng Cordillera ang DAVRAA sa quarterfinals sa nakaraang pambansa.

Samantala, sinabi rin ng kanilang coach na magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na laban si Mr. MVP Rene, at ipinaabot din nito ang pakikiramay sa naulilang pamilya ng naturang manlalaro.