Nadagdagan na naman ang medalya ng isang Cordilleran boxer matapos masungkit ni Renden Oppas ang WBC Australasia gold at silver medal sa minimumweight division.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Oppas, sinabi nitong masaya siya dahil muli na naman siyang nakapagdagdag ng medalya sa kanyang koleksyon.
Ayon kay Oppas, mas pinabigat niya ngayon ang kanyang pagsasanay upang mas mapalakas ang kanyang katawan at makasabay sa mga susunod na makakalaban.
Ibinahagi rin niyang pinag-aralan niya nang mabuti ang kanyang huling katunggali, kabilang ang galaw at pattern nito, upang makabuo ng tamang estratehiya sa laban.
Aniya, sa unang round ay agad niyang naramdaman ang lakas ng suntok ng kanyang kalaban, ngunit napansin niyang hindi ito gaanong mabilis kumilos. Dahil dito, ginamit niya ang bilis ng kanyang galaw at iniwasang manatili sa isang posisyon.
Sinabi ni Oppas na nais pa niyang pagbutihin ang kanyang footwork at stamina, gayundin ang kanyang mga kombinasyon at kabuuang boxing skills.
Samantala, matagumpay din niyang naipasa ang Criminology Licensure Examination habang sabay na naghahanda para sa kanyang laban.
Kwento niya, maaga siyang nagsasanay bago pumasok sa paaralan at ipinagpapatuloy naman ang training matapos ang klase, kasabay ng kanyang pagrerepaso para sa licensure examination.
Ngayong isa na siyang registered criminologist, sinabi ni Oppas na hindi pa niya tiyak kung tuluyang boxing o criminology ang kanyang pagtutuunan.
Aniya, hahayaan na lamang niyang dumating ang mga oportunidad at doon niya pag-iisipan kung aling landas ang kanyang tatahakin.





