Napili ang isang Cordilleran para-athlete bilang isa sa mga flag bearer ng Pilipinas sa nalalapit na ASEAN Para Games na gaganapin sa Nakhon Ratchasima, Thailand mula Enero 20 hanggang 26 ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinahayag ni Jerrold Pette Mangliwan ang kanyang pagmamalaki at taos-pusong pasasalamat sa pagkakapili sa kanya bilang flag bearer ng bansa, sa kabila ng marami aniyang karapat-dapat na para-athletes na maaari ring gumanap sa naturang tungkulin.
Ayon kay Mangliwan, sa kanyang ikasampung paglahok sa ASEAN Para Games, ito ang kauna-unahang pagkakataon na siya ay napiling maging flag bearer ng Pilipinas. Aniya, malaking karangalan ito hindi lamang para sa kanya kundi pati na rin sa rehiyon ng Cordillera.
Lubos din ang kanyang pasasalamat sa pamahalaan sa patuloy na suporta at pagbibigay ng oportunidad sa mga para-athletes na maipamalas ang kanilang talento at kakayahan sa pandaigdigang entablado.
Naniniwala si Mangliwan na malaki ang tsansa ng kanyang mga kapwa atleta na makapag-uwi ng mga medalya sa kani-kanilang mga larangan sa nalalapit na palaro.
Kaugnay nito, kahapon ay nagsagawa ng send-off ceremony ang mga opisyal ng Philippine Sports Commission, Philippine Paralympic Committee, at ang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas para sa ika-13 ASEAN Para Games sa isang hotel sa Maynila. Binubuo ang delegasyon ng 323 delegado na pawang may determinasyon at hangaring mag-uwi ng gintong medalya para sa bansa.
Ngayong araw, nakatakdang umalis ng bansa ang delegasyon ng Pilipinas patungong Thailand.
Si Mangliwan ay isa nang beteranong para-athlete na lumahok na sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon, kabilang ang 2024 Paralympic Games sa Paris, France, 2016 Paralympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil, at 2020 Paralympic Games sa Tokyo, Japan.





