--Ads--

MANKAYAN, BENGUET — Nagpasya ang Crescent Mining and Development Corporation (CMDC) na i-demobilisa o alisin ang kanilang drill rig na kasalukuyang nakaparada sa gilid ng kalsada sa Barangay Guinaoang, Mankayan, Benguet, matapos harangin ng mga anti-mining na nagpoprotesta ang pagpasok nito sa drilling site ng kumpanya.

Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ni CMDC President Engr. Ronnie Siapno na ang hakbang ay nagsisilbing pagpapakita ng mabuting hangarin sa kanilang mga tagasuporta, pangunahing stakeholder, at maging sa mga kumokontra sa kanilang operasyon.

Umaasa ang pamunuan ng kumpanya na makatutulong ang naturang desisyon upang mapahupa ang tensyon, lalo na ngayong papalapit ang kapaskuhan, at mabuksan ang pagkakataon para sa isang mapayapa at maayos na pagresolba sa kasalukuyang sigalot.

“As a token of goodwill not only to our supporters and key stakeholders but including those who are blocking our way, we decided to demobilize our drill rig that has been parked on the roadside in Guinaoang, Mankayan. We hope that this move will ease the tension leading to the holidays and finally pave the way for us to find a peaceful and amicable resolution to the current standoff,” pahayag ni Siapno.

Binigyang-diin din niya na kailangang pairalin ang maingat at responsableng pagpapasya sa negosyo sa gitna ng kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya na nakaaapekto hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bahagi ng mundo.

Ayon kay Siapno, isasailalim ng kumpanya sa pagsasaayos ang kanilang operasyon upang mabawasan ang gastusin habang napapanatili ang episyente at maayos na pagpapatakbo nito.

Gayunman, nilinaw ng CMDC na hindi nangangahulugan ang pagtanggal sa drill rig na tuluyan na silang umaatras sa Mankayan Copper-Gold Project.

“To clarify, we are not pulling out of the project. As regards the ongoing injunction case, we will let the legal process continue,” dagdag ni Siapno.

Nakasentro ang kasalukuyang sigalot sa pagharang ng mga anti-mining na nagpoprotesta sa pagpasok ng drilling equipment ng kumpanya sa lugar ng proyekto sa Barangay Guinaoang.

Sa kabila ng desisyong alisin muna ang drill rig, nananatiling determinado ang CMDC na ipagpatuloy ang proyekto habang hinahayaan ang umiiral na legal na proseso na maresolba ang usapin.