--Ads--

Umaaray ngayon ang mga cutflower farmers sa probinsiya ng Benguet dahil matumal ang bentahan ng mga bulaklak sa Metro Manila at sa iba pang lugar na siyang bagsakan ng mga bulaklak mula sa Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Peter Gano, isang cutflower farmer sa Bahong, La Trinidad, Benguet, wala silang kita ngayon sapagkat walang umu-order sa kanila ng mga bulaklak mula sa Metro Manila.

Inihayag ni Gano na posible itong dulot ng naranasang pagbaha sa Metro Manila, kaya’t walang masyadong bumibili ng mga bulaklak mula sa kanila.

Sa kabila ng pananalasa ng bagyong Kristine, sinabi ni Gano na hindi naapektuhan ang flower industry sa Benguet dahil hindi nila gaanong naramdaman ang epekto ng bagyo.

Dahil dito, magiging sapat pa rin ang suplay ng mga bulaklak mula sa Benguet sa papalapit na All Souls Day at All Saints Day.

Gayunpaman, nag-aalala si Gano na baka kaunti lamang ang bibili ng mga bulaklak at maaaring magkaroon ng oversupply.

Kung ikukumpara sa nakaraang taon, malakas ang bentahan ng mga bulaklak dahil walang naranasang sama ng panahon noong buwan ng Oktubre at Nobyembre..

Samantala, nananatiling sapat ang suplay ng mga highland vegetables sa probinsiya ng Benguet sa kabila ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Sa katunayan, mataas ang presyo ng ilang gulay, tulad ng repolyo na umaabot sa 45 hanggang 48 pesos kada kilo, Chinese cabbage na 45 hanggang 55 pesos kada kilo, at patatas na 43 hanggang 50 pesos kada kilo.

Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga gulay ay ang naantalang pag-ani at pagbibiyahe ng mga magsasaka ng kanilang mga pananim dahil sa mga nasirang kalsada dulot ng pagguho ng lupa.

Umaasa naman ang mga magsasaka na magtutuloy ang mataas na presyo ng mga highland vegetables upang makabawi mula sa kanilang pagkakalugi sa mga nakaraang buwan.