Baguio City – Mariing itinanggi ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR) ang kumakalat na balita sa social media na diumano’y may formalin ang mga sayote na itinatanim at ibinebenta sa Baguio City upang tumagal ng hanggang tatlong linggo.
Ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya, walang formalin o anumang nakalalasong kemikal na inilalagay sa mga gulay na ito.
Ipinaliwanag ng DA-CAR na ang sayote ay likas na matibay at maaaring tumagal ng hanggang isang buwan kahit nakalagay lamang sa karaniwang temperatura, lalo na kung bagong ani at dahil na rin sa malamig na klima ng Cordillera.
Dagdag pa ng ahensya, ang mataas na lugar at malamig na panahon ng Benguet at Cordillera, kasama ng matabang lupa, ang siyang nagbibigay ng tamang kondisyon upang lumago at manatiling sariwa ang formalin nang hindi kinakailangan ng preservatives.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon sa internet at tiyakin na sa mga lehitimong mapagkukunan lamang kumuha ng balita at datos.
Kasabay nito, nanawagan ang DA-CAR sa mga mamimili na patuloy na tangkilikin ang mga lokal na magsasaka na umaasa sa pagtatanim ng mga ligtas, sariwa, at natural na gulay tulad ng sayote.