--Ads--

Humihiling ang Department of Agriculture (DA) ng ₱250 bilyong pondo para sa 2027 upang palakasin ang food security, kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at katatagan ng ekonomiya.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang panukalang budget ay mas mataas kaysa sa ₱215 bilyon noong 2026 at halos doble ng pondo ng DA noong 2022.

Aniya, gagamitin ang pondo para sa farm mechanization, irigasyon, research laboratories, cold-chain facilities, digital infrastructure, at post-harvest systems upang mapataas ang produksyon at mapababa ang presyo ng pagkain.

Magpapatuloy rin ang ₱30-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund, habang may ₱20 bilyon ding inilaan kada taon sa pagpapaunlad ng livestock sector, kabilang ang rehabilitasyon ng industriya ng baboy na naapektuhan ng African swine fever.

Sinabi ni Tiu Laurel na bagama’t lumago ng 2.6% ang sektor ng agrikultura at pangisdaan noong 2025—ang pinakamabilis sa nakalipas na walong taon—kailangan pa ng mas malaking pamumuhunan upang matugunan ang kakulangan sa irigasyon, mataas na gastos sa logistics, at mga epekto ng climate change.