--Ads--

Inihayag ni Anert Bangsael, dating miyembro ng Alliance of Jeepney Operators Association, na hindi pa rin sapat ang dagdag na pamasahe na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kung saan tataas ng isang piso ang pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney at dalawang piso naman sa mga modernized jeepney.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio sa kanya, sinabi niyang bagama’t natutuwa sila sa pagtaas ng pamasahe, nalulugi pa rin umano sila dahil hindi ito sapat, lalo na kung ihahambing sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon pa kay Bangsael, wala na rin silang ibang magagawa kung ito lamang ang kayang ibigay ng gobyerno kundi magtiis at ipagpatuloy ang kanilang pamamasada.

Samantala, bukod sa tulong mula sa pambansang pamahalaan, hinihiling din ni Bangsael sa lokal na pamahalaan ng Baguio na magbigay ng fuel subsidy para sa mga driver at operator sa lungsod.

Iminungkahi rin niya na maaaring lumikha ang lokal na pamahalaan ng isang emergency fund para sa sektor ng transportasyon upang makatulong sa mga driver sa panahon ng krisis.

Dagdag pa niya, mas mainam umano kung hindi cash ang ibibigay na tulong kundi direktang ibawas ito sa mga kumpanya ng langis. Halimbawa, kapag nagpapakarga ng petrolyo ang mga driver, maaari itong bawasan mula sa pondong inilaan bilang subsidy.

Sa ngayon, wala pang naitatalang jeepney na hindi dumaraan sa Barangay Irisan sa Baguio City, ngunit patuloy pa rin nilang mino-monitor kung magpapatuloy ang mga jeepney sa pagdaan sa naturang lugar.