--Ads--

BAGUIO CITY – Nananawagan ngayon ang health workers group na itaas ang sahod ng mga health workers kasabay ng paggunita ng National Health Workers’ Day ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Robert Trani Mendoza, Alliance of Health Workers – National President, sinabi nito na hanggang ngayon ay nananatiling mababa ang salary grade ng mga health workers at hindi naibibigay ng tama ang kanilang mga benepisyo.

Ayon sa kanya, hindi na sapat ang sahod ng mga ito sa araw-araw na pangangailangan at iba pang bayarin.

Bukod pa rito, hiling nila na itigil na ang contractualization sa bansa dahil buhay ang pinapangalagaan kung saan nararapat lamang na bigyang priyoridad ng gobyerno ang paglalaan ng plantilla position sa mga ito.

Sabi pa niya na kalunos-lunos ang kalagayan ng mga health workers kaya napipilitan silang mangibang bansa, pumasok sa Business process outsourcing (BPO), o kaya naman sa militar para lamang kumita sila ng mas malaki.

Gayunpaman, naniniwala sila na kaya ng gobyerno na dagdagan ang sahod ng mga health workers kagaya ng ginawa sa pagdagdag ng sahod ng miembro ng pulis at sundalo.

Ngayong araw ay ipinagdiwang ang National Health Workers’ Day sa pangunguna ng Department of Health (DOH) na may temang “One Health Workforce, One Nation: Responding to the Challenges Towards Better Normal”.