--Ads--

Kabuuang 127 na hindi kalibradong timbangan sa Baguio City Public Market ang sinunog ng City Treasurer’s Office kahapon, Oktubre 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Public Order & Safety Division Chief Daryll Kim Longid, karamihan sa mga sinirang timbangan ay nakumpiska sa fish section, vegetable section, fruit section, at sa mga talipapa.

Ayon kay Longid, humigit-kumulang limang daang depektibo at hindi kalibradong timbangan ang susunugin sana sa naturang araw, ngunit nauna nang nasunog ang iba noong nakaraang taon matapos tupukin ng apoy ang bodega kung saan nakatambak ang mga nakumpiskang timbangan.

Kaugnay nito, hinimok ng nasabing opisyal ang publiko na agad ireport sa kanilang opisina ang dayaan sa timbangan upang agad nilang maaksiyunan.

Hinikayat pa ni Longid ang mga mamimili na gamitin ang timbangan ng bayan na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Baguio City Public Market upang makasiguro na hindi sila madadaya sa timbang ng kanilang mga bibilhin.

Maliban sa paggamit ng depektibo at hindi kalibradong timbangan, binalaan rin ni Longid ang mga nagtitinda na huwag dayain ang kanilang mga kustomer, gaya ng agad na pagbawas sa mga nabiling produkto matapos itong matimbang.

Binigyang-diin ng nasabing opisyal na makakansela ang business permit ng mga nagtitinda kung mapatunayan na lalabag sila sa panuntunan ng pampublikong merkado.

Kaya naman ipinapaalala ni Longid na kailangang maging tapat ang mga vendors sa kanilang mga customer, dahil posibleng makansela ang kanilang business permit kung mapatunayan na lumabag ang mga ito.