Dalawang indibidwal ang nasawi sa rehiyon ng Cordillera dulot ng masamang epekto ng severe tropical storm Kristine.
Naitala sa probinsya ng Benguet, partikular sa Bayoyo, Buyacaoan, Buguias, ang isang insidente ng pagkasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa ang biktima. Nakilala ang biktima na si Jasper Jones D. Amoy, bente kwatro anyos, isang magsasaka mula sa Kibungan, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMaj. Lorenz Paul Claveria, Officer-In-Charge ng Buguias Municipal Police Office, sinabi niyang nagtatrabaho sa kanyang hardin ang biktima nang bigla siyang matabunan ng lupa.
Samantala, naitala rin ang isang insidente ng pagkasawi sa probinsya ng Mt. Province, partikular sa Sabangan, kahapon. Ayon sa inisyal na ulat ng kapulisan, posible umanong tinangay ng malakas na agos ng tubig ang biktima na si Francis Angel, 60-anyos, na nagdulot sa kanyang pagkalunod.
Nito lamang araw ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa Chico River sa Bontoc, Mt. Province.
Maliban dito, nakapagtala rin ang nasabing probinsya ng ilang pagguho ng lupa sa mga kalsada, ngunit agad itong nalinisan kaya lahat ng mga national road ay maaaring madaanan. Gayunpaman, may dalawang sasakyan ang nasira matapos madaganan ng gumuhong lupa at bato, ngunit wala namang nasaktan.
Sa lungsod naman ng Baguio, hindi gaanong naramdaman ang epekto ng severe tropical storm Kristine, dahil walang naitalang major damage at naapektuhang pamilya. May ilang insidente ng pagkatumba ng mga puno, ngunit agad naman itong nalinisan ng mga awtoridad at volunteers.
Dahil dito, inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kanyang pagpuri sa iba’t ibang opisyal at residente na agad na rumesponde sa mga insidente.