--Ads--

Pinangunahan ng Department of Agrarian Reform-Abra Legal Division ang isang mediation proceeding sa Barangay Tabiog, Bucay, Abra upang maresolba ang isang alitan sa lupa sa ng dalawang magkapatid sa mapayapang paraan.


Pinamunuan ito ni Divinalyn B. Paderes, OIC ng Legal Division, kasama si Alerose A. Palos, ARPO II. Bago ang pormal na mediation, ipinaliwanag ni Paderes ang iba’t ibang programa ng DAR, lalo na ang Project SPLIT, at binigyang-diin ang kahalagahan ng Alternative Dispute Resolution (ADR) sa mabilis at makataong paglutas ng hidwaan.


Sa mediation, ginamit ang ADR techniques upang maiwasan ang matagal na proseso ng korte. Pinayuhan ang magkapatid na mapagkasunduan ang isang solusyon na patas, hindi matagal, at nakatuon sa pagpapanatili ng mabuting relasyon.

Sa pamamagitan ng maayos na usapan, nabuo ang isang “Katulagan” o Compromise Agreement, kung saan napagkasunduan ang patas na hatian ng lupa habang pinangangalagaan ang kanilang ugnayan bilang pamilya.


Nagpapasalamat ang DARPO-Abra Legal Division sa oportunidad na makatulong sa mga magsasaka sa patas na pagresolba ng usapin sa lupa.

Ayon dito, patuloy silang magbibigay ng serbisyong legal upang mapanatili ang katarungan at kaunlaran para sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa Abra.