BAGUIO CITY – Ipinanawagan ng dating Chairperson ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Zenaida Brigida Hamada-Pawid sa Baguio City Council noong Agosto 18, 2025, ang mas malawak na pakikilahok ng mga karaniwang mamamayan sa mga konsultasyon kaugnay ng kaligtasan at kalagayan ng Kennon Road.
Si Pawid, residente ng Camp 7, ay nagpakilalang isang simpleng “tagawalis” na araw-araw umanong naglilinis sa naturang kalsada.
Iginiit niya na ang mga karaniwang gumagamit ng Kennon Road ang direktang nakararanas ng panganib at abala tuwing may masamang panahon, subalit hindi sila nabibigyan ng boses sa mga pulong at talakayan.
Ibinahagi rin ni Pawid ang kaniyang mga “nakakakilabot na karanasan” sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kung saan umano paulit-ulit lamang siyang ipinapasa-pasa nang walang konkretong tugon.
Binigyang-diin pa niya na ang Kennon Road ay isang makasaysayang daan na dapat pangalagaan, ngunit sa kabila ng ilang dekadang pagkukumpuni at bilyong pisong ginugol, nananatili itong delikado para sa publiko.