BAGUIO CITY– Inilabas ang warrant of arrest laban kina dating Baguio Representative Nicasio Aliping Jr. at sa tatlong kontraktor.
Ayon kay Atty. Lauro Gacayan, abogado ni Aliping, ito ay dahil sa mga kaso na inihain laban sa kanila, partikular ang apat na bilang ng paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines.
Kaugnay pa rin ito sa pagkakaputol ng halos 300 na punong kahoy sa Mt. Sto. Tomas Forest Reserve, Tuba, Benguet, para sa dalawang kilometro na kalsada patungo sa lupa na pag-aari ng pamilya Aliping.
Sinabi ng abogado ng dating kongresista na nagbayad ng P200,000 na piyansa si Aliping batay sa rekomendasyon ni RTC Branch 10 Presiding Judge Emmanuel Rasing at ng Office of the Ombudsman.
Maliban kay Aliping ay nagbayad na rin ng piyansa ang kontraktor na si William Go at inaasahang magbabayad na din sina Bernard Capuyan at Romeo Aquino.
Matatandaang dahil sa paggawa ng kalsada ay naputol ang maraming kahoy doon at naapektuhan ang water source ng Baguio Water District.