--Ads--

Kinasuhan ang isang Liberian national na estudyante, nasa legal na edad at kasalukuyang residente ng Baguio City, matapos umano niyang lokohin ang kapwa niya Liberian national, 32 taong gulang, estudyante rin at residente ng lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente mula Setyembre hanggang Disyembre 25, subalit kamakailan lamang ito nai-report sa mga awtoridad.

Ayon sa imbestigasyon, noong Hulyo 2025, pumayag ang biktima na ipaubaya sa suspek ang kanyang enrollment sa isang unibersidad sa Baguio City.

Nagpadala ang biktima ng humigit-kumulang $1,075 sa pamamagitan ng GTCO Guaranty Trust Bank, bukod pa sa cash na may kabuuang ₱14,000. Gayunman, noong Disyembre, kinompronta ng biktima ang suspek hinggil sa kanyang enrollment status, na nauwi sa pagtatalo.

Sa parehong buwan, personal na nagtungo ang biktima sa naturang unibersidad upang kumpirmahin kung siya ay tunay na naka-enroll, kung saan napag-alamang hindi pala siya rehistrado.

Dahil dito, sinampahan ng kaso ng biktima ang suspek. Sa pinakahuling ulat ng pulisya, naihain na ang kaso sa City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng regular filing, subalit hindi pa ito nai-dodoket. | via Bombo Noveh Organo