Nais ng delegasyon ng Benguet na makamit ang kampeonato o kaya’y ang ikalawang pwesto sa nalalapit na 2025 Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet.
Sa isang panayam sa Bombo Radyo kay Ceasar Luma-ang, ang Provincial Sports Officer ng Department of Education (DepEd)-Cordillera, sinabi niyang hindi maikakaila na ang delegasyon ng Baguio City ang isa sa mga pangunahing kalaban dahil sa kanilang pagiging regular na kampeon sa nasabing paligsahan.
Dahil dito, ang tanging layunin ng Benguet ay makuha ang ikalawang pwesto sa kabila ng matinding kompetisyon.
Ayon kay Luma-ang, sa kasalukuyan, mayroong 900 atleta ang delegasyon ng Benguet, samantalang 700 naman mula sa Mt. Province, 650 mula sa Ifugao, 595 mula sa Kalinga, 736 mula sa Apayao, 595 mula sa Abra, 550 mula sa Tabuk City, at 800 mula sa Baguio City.
Para sa taon ito, nakalaan ang Php3 milyong pondo mula sa Benguet Special Education Fund para sa mga gastusin ng delegasyon, habang P15 milyong pondo naman ang inilaan para sa pangkalahatang pagsasaayos ng mga kakailanganing kagamitan at pasilidad sa isasagawang sports event.
Matatandaan na noong 2024 CARAA Meet, nakuha ng Benguet ang 230 medalya, kabilang na ang 50 ginto, 91 pilak, at 89 bronze. Ang nasabing taon ay isang tagumpay para sa probinsya, at napatunayan nilang kaya nilang makipagsabayan sa mga pinakamalalakas na delegasyon sa rehiyon.
Inalala rin ni Luma-ang na higit sa isang dekada na ang lumipas mula nang huling mag-host ang Benguet ng CARAA Meet, kung saan naging matagumpay ang probinsya sa pamamahala at pagpapaganda ng mga sports venues.
Sa huli, nagpasalamat si Luma-ang sa lahat ng mga sumuporta sa hosting ng Benguet ng CARAA Meet, kabilang na ang mga stakeholders, Parent Teacher Association, mga residente, at iba pang mga kasamahan sa komunidad.