--Ads--

Nagbigay ang Roman Catholic Diocese ng Baguio ng pormal na paglilinaw upang maiwasan ang kalituhan sa mga mananampalataya hinggil sa mga seremonya ng kasal na inorganisa ng isang relihiyosong grupo na hindi kaanib ng Simbahang Katolika.

Sa isang advisory, ipinaabot ng diocese sa pamamagitan ni Chancellor Fr. Abner W. Dalilis sa mga lider ng parokya at mga sekretaryo na ang grupong gumagamit ng pangalang Roman Catholic Society of St. John the Baptist ay hindi konektado sa lokal na diocese at hindi rin kabilang sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Ang paglilinaw ay ginawa kasunod ng mga ulat tungkol sa isang kasal na itinakda ng grupo mula Pebrero 25 hanggang 28 sa Baguio Country Club.

Binigyang-diin ng diocese na dahil ang grupo ay hindi kaanib ng Simbahang Katolika, ang anumang seremonya ng kasal na kanilang isinasagawa hindi kinikilala bilang lehitimong sakramento ayon sa batas ng Simbahan.

Hinihikayat ng mga opisyal ng simbahan ang mga nagnanais magdiwang ng sakramento ng kasal na makipag-ugnayan nang direkta sa kani-kanilang parokya. Binanggit din sa circular na ang pagsunod sa tamang canonical procedures ay nagsisiguro na ang kasal ay lehitimong naipagdiriwang, maayos na naitala sa talaan ng parokya, at sinusuportahan ng kaukulang civil documentation.