--Ads--

Iginiit ng Department of Health Cordillera na ang pagtaas ng naitatalang HIV cases sa rehiyon ay positibong senyales ng mas pinalawak na testing at mas bukas na komunidad sa pagpapasuri.

Ayon kay Darwin Francisco Babon ng National AIDS and STI Prevention and Control Program, mas marami na ang nagpapasuri dahil mas pinalalapit na ang serbisyo sa mga komunidad. Aniya, may mga kaso ring ngayon lang natutukoy dahil sa mas pinaigting na testing.

Sa ilalim ng Project NAMNAMA, inilunsad ang “NAMNAMA on Wheels” na nagdadala ng testing sa mga paaralan, opisina at komunidad, at ang “Meet and Test” kung saan maaaring magpa-schedule online o magpatest sa bahay.

Mayroon na ring “Sundown Testing” sa NAMNAMA Clinic sa Baguio Convention and Cultural Center mula alas-2 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi para sa mga working clients. May “Park and Test” din kung saan maaaring magpatest kahit naka-park lang ang sasakyan.

Binigyang-diin ng DOH na mahalaga ang maagang diagnosis at tuloy-tuloy na gamutan upang makamit ang global 95-95-95 target laban sa HIV, katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa.