Ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr)–Cordillera na hindi mahirap ang proseso ng pagkuha ng mga kinakailangang papeles ng sasakyan upang maiwasang maging colorum, lalo na para sa mga nasa travel and tours industry.
Ito ay kasunod ng insidente kung saan hinabol ng mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa kahabaan ng Kennon Road ang isang colorum van na may sakay na walong pasahero na minamaneho ng isang hindi lisensiyadong driver, na humantong sa kaguluhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Glenn Dumlao, Regional Director ng DOTr–Cordillera, sinabi niyang wala sa regional office ang pangunahing problema kundi nasa national o central office ng ahensya.
Ipinaliwanag ni Dumlao na ang mga unit na dumadaan sa Cooperative Development Authority (CDA) ay binibigyan ng provisional authority na may bisa sa loob ng tatlong buwan. Matapos ang proseso sa CDA, kinakailangan ding dumaan ang mga dokumento sa Department of Tourism (DOT)–Cordillera bago isumite sa central office.
Kapag naiproseso na sa central office, ibinabalik ang mga dokumento sa Department of Transportation (DOTr) bago ito i-endorso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Gayunpaman, ayon kay Dumlao, inaabot ng humigit-kumulang dalawang taon bago mailabas ang Certificate of Public Convenience (CPC). Dahil dito, naniniwala siyang dapat itong gawing pagkakataon upang matulungan ang sektor ng paglalakbay at paglilibot sa rehiyon at maiwasan ang mga abala.
Aminado rin si Dumlao na pabalik-balik na sa central office ang ilan sa mga aplikante ngunit wala pa ring malinaw na resulta. Dahil dito, napipilitan ang ilan na kumuha ng liaison officers. Gayunpaman, nagiging problema rin ang pagdami ng mga pekeng service provider na nananamantala, dahilan upang maraming operator ang maloko at tuluyang mahulog sa pagiging colorum.
Kaugnay nito, sinabi ng DOTr–Cordillera na ang mga colorum na sasakyang bumibiyahe patungong Baguio City ay nagmumula sa iba’t ibang lugar. Ayon kay Dumlao, may mga nagmumula sa mga karatig-probinsiya sa Cordillera gaya ng Abra, mula sa Rehiyon I tulad ng Ilocos, gayundin mula sa iba pang rehiyon. Patuloy ang pagdagsa ng mga turista sa Baguio City, at marami sa kanila ang kumukuha ng serbisyo ng mga sasakyang pang-travel at tour.
Gayunpaman, may ilang operator na walang kumpletong dokumento kaya itinuturing na colorum ang kanilang mga sasakyan—isang uri ng transportasyon na mahigpit na ipinagbabawal. | via Bombo Noveh Organo








