Nakadiskubre ang Department of Public Works and Highways–Baguio ng isa pang mine tunnel sa Kennon Road, partikular sa Sitio Ubac, Barangay Camp 7, Baguio City.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng ahensya, posibleng gawa ito ng ilang small-scale miners, na nagdulot ng pangangailangang palawakin ang bahaging aayusin ng kalsada sa lugar.
Ang nasabing hakbang ay bahagi ng mga mitigating measures na ipinatutupad ng DPWH-Baguio kaugnay ng insidenteng tinukoy bilang “collapsed adit” sa Kennon Road. Naglagay na rin ang ahensya ng pilapil upang mapatatag at maayos ang apektadong bahagi ng kalsada.
Samantala, nilinaw ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ang insidente ay hindi sinkhole, kundi isang collapsed adit na resulta ng small-scale o underground mining activities.
Ayon kay Jethro C. Panganiban, Supervising Geologist ng MGB–CAR, may naitala nang small-scale mining activity sa naturang lugar noon pang 2019.| via Bombo Noveh Organo











