--Ads--

Dinala na ang namatay na driver sa Ilocos Sur, habang ang kasama niyang babae ay dinala sa kanilang residensya sa Itogon, Benguet para sa kanilang libing, matapos mabangga ang kanilang sasakyan sa Sitio Dacap, Barangay Ampucao, Itogon kahapon.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang aksidente dakong alas-8:00 ng umaga, na iniuugnay sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property, ngunit naiulat lamang ito sa pulisya bandang alas-10:00 ng umaga.

Kinilala ang driver bilang isang 29-anyos na minero at residente ng Itogon, habang ang pasahero ay isang 32-anyos na self-employed, residente rin ng parehong munisipalidad. Ang ulat ay natanggap mula sa isang concerned citizen.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, mabilis umano ang takbo ng sasakyan, ayon sa isang saksi. Mula sa Saddle Ampucao, Itogon, patungo sana ang sasakyan sa Greenvalley, Baguio City upang sunduin ang kanilang mga kasama na dadalo sa isang kasal.

Ngunit nakita ng saksi na ang sasakyan ay tumama sa parapet at nahulog sa humigit-kumulang 200 metro.

Idineklara ng Municipal Health Officer alas-10:37 ng umaga na dead on the spot ang dalawang biktima. Ganap na nawasak ang sasakyan dahil sa pagkahulog.

Ayon sa mga kamag-anak ng driver, walang mechanical defect ang sasakyan at hindi rin umano “under the influence” ng alak ang driver, dahil wala silang kamag-anak na mahilig uminom.

Hindi na rin naipa-undergo ng autopsy ang driver.

Ayon sa ulat, ito ang kauna-unahang naitalang insidente sa nasabing lugar na nagdulot ng pagkamatay. | via Bombo Noveh Organo