--Ads--

Inihayag ni Barangay Captain Carol Domogan na nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng kaso ng akyat-bahay sa kanilang barangay sa Dominican Mirador, Baguio City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Domogan na mula Marso hanggang Abril ngayong taon ay nakapagtala na sila ng anim na kaso ng akyat-bahay.

Ayon sa kanya, ang pinakabagong insidente ay ang pagnanakaw ng hindi pa nakikilalang suspek ng baterya at gasolina ng isang sasakyan na pag-aari ng isang senior citizen.

Bukod dito, pinasok din ng mga magnanakaw ang satellite market kung saan tinangay ang ilang sako ng bigas at mga de-latang pagkain.

Ayon pa kay Barangay Captain Domogan, bagama’t may mga CCTV sa lugar, hindi pa rin nakikilala ang suspek dahil nakasuot ito ng hood at face mask.

Inihayag din niya na humiling sila ng karagdagang CCTV sa city government, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin itong naibibigay dahil sa kakulangan umano ng pondo.

Dahil dito, hiniling nila sa Baguio City Police Office – Station 1 na magsagawa ng checkpoint hanggang alas-12 ng hatinggabi.

Bukod pa rito, inatasan din niya ang mga barangay tanod na magpatrulya hanggang alas-2 ng madaling araw upang maiwasan ang pag-uulit ng mga kaso ng pagnanakaw sa kanilang barangay.