https://www.facebook.com/photo.php?fbid=694514357690475&set=pcb.694519074356670&type=3&theater
BAGUIO CITY – Nakatanggap ng medal of bravery ang bawat isa sa 15 beterano ng World War II mula Baguio-Benguet kasabay ng pag-alala sa Victory Day ngayong araw, September 3 na isinagawa sa Veterans Park, Harrison Road, Baguio City.
Ayon kay Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) – Baguio Office head Marilyn Ngayodan, ang mga medalya ay bilang pagkilala sa katapangan at sakripisyo na inialay ng mga beterano sa kasagsagan ng World War II.
Personal na tinanggap ng mga beterano mula Benguet na sina Danio Togmina Becasen, Wilfredo Valdez Estandian, Magno Galwan Lamsis, Cato Dampas Pulac, Catel Molagat Dagsa, Florendo Ngamay Pool at Eusebio Sadca Pasadillo ang kanilang medalya.
Personal ding tinanggap ng mga beterano mula Baguio na sina Angelo Viloria Andrada, Romeo Marcelino de Guzman, Icasiano Pastrana Indon, Gregorio de Paz Lopez at Orlando Claudio Pimentel ang kanilang medalya.
Samantala, tinanggap naman ng mga kapamilya nina Isabelo Tulian Alberto, Pilingan Baysen Biang at Silvino Pitas Palaoag ang posthumous awards ng mga ito.
Maaalalang linagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11216 na nagdeklara sa September 3 bilang special working public holiday sa buong bansa bilang pag-alala sa pormal na panagsuko ng pwersa ng Japan sa pangunguna ni Imperial Army General Tomoyuki Yamashita na nagwakas sa World War II sa Asia Pacific.
September 3, 1945, linagdaan ni Yamashita ang surrender documents sa Camp John Hay dito sa Baguio City kung saan nagsimula at nagwakas ang nasabing digmaan.
Unang sumiklab dito sa Pilipinas ang nasabing digmaan nang pagbobombahin ng Japan ang Baguio City matapos nilang bombahin ang Pearl Harbor sa Hawaii kung saan pinuntirya nila ang Camp John Hay at Philippine Military Academy.
Nagtapos naman ang digmaan nang sumuko si Yamashita sa Mt. Napulawan sa bayan ng Hungduan, Ifugao noong September 2, 1945 sa kamay ng United States Armed Forces in the Philippines – Northern Luzon.
Dinala ito sa Baguio City at noong September 3, 1945 at pinirmahan ni Yamashita ang surrender documents na nagwakas a nasabing digmaan.