Nagpaalala ang isang campaign officer ng environmental non-government organization na BAN Toxics sa publiko na napakahalaga ang maingat na pagtingin at pagbabasa ng label ng mga swimming floater, lalo na ngayong summer season.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Thony Dizon, campaign officer ng nasabing grupo, ibinahagi niya na sa kanilang pagsusuri sa Metro Manila at maging sa Tacloban sa panahon ng sampling, bumili sila ng mga swimming floater at natuklasang naglalaman ang ilan sa mga ito ng tatlong uri ng kemikal gaya ng lead, mercury, at cadmium.
Ayon sa kanilang pag-aaral, karamihan sa mga nasuring produkto ay kulang sa impormasyon sa label, na nangangahulugang hindi ito nakapapasa sa pamantayan ng Toy and Games Safety Labeling Law ng Pilipinas.
Sa gitna ng matagal nang panawagan ng grupo, binigyang-diin ni Dizon ang pangangailangang suriin ang mga umiiral na patakaran at tukuyin ang mga “gaps” o kakulangan sa implementasyon. Aniya, mas mainam na i-review ang mga ito, lalo na pagdating sa pag-angkat ng mga produkto.
Inamin din niya na karamihan sa mga produktong ito ay imported at hindi dumaraan sa sapat na inspeksyon, kaya mahirap matukoy kung sino ang manufacturer, importer, at distributor, pati na kung paano ito maibabalik sakaling mapatunayang delikado.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang impormasyong nakasaad sa label upang makapagsampa ng kaukulang kaso o reklamo.
Ipinaliwanag din niya na ang lead at mercury ay lubhang nakalalasong heavy metals o neurotoxins na may malaking epekto sa utak, habang ang cadmium naman ay maaaring magdulot ng cancer sa pamamagitan ng paglanghap, paglunok, o pagdikit sa balat (dermal contact).







