--Ads--

BAGUIO CITY – Umabot na sa mahigit P1.1-Billion ang halaga ng mga nasirang pananim sa Cordillera Administrative Region dahil sa tagtuyot o El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Lito Mocati, senior agriculturist ng Department of Agriculture-Cordillera, sinabi niya na pangunahing naapektuhan ng tagtuyot ang mga mais, palay at high value crops sa rehiyon.

Naitala ang pinakamatinding pinsala sa Ifugao na aabot na sa P464.8-M, pangalawa ang Apayao na P302.5-M at pangatlo ang Kalinga na nakapagtala ng P191.5-M na danyos.

Aniya, batay sa validation ng DA-Cordillera ay mahigit sa 18,600 na magsasaka sa rehiyon ay naapektuhan sa tagtuyot.

Idinagdag pa ni Mocati na inaasahang tataas pa ang nasabing halaga gayundin ang bilang ng mga apektadong magsasaka dahil hindi pa nakapagbigay ng ulat ang ibang lalawigan sa Rehiyon Cordillera.