Bombo Radyo Baguio

Halos 300% pagtaas sa upa sa Maharlika Livelihood Center, kinuwestiyon ng mga tenant

BAGUIO CITY – Napag-usapan ang mga adhikain ng mga vendor, lalo na ng mga tenant sa Maharlika Livelihood Center.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Edison Bilog, Konsehal ng Baguio City, sinabi niya na kabilang sa mga usapin ang extension ng ordinansa kaugnay sa pagtaas ng upa ng mga tenant. Gayunman, hindi ito naaksyunan ng City Council dahil mayroon umanong kasong isinampa sa Ombudsman laban sa dalawang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Dahil dito, itinuring umano itong sub judice. Gayunman, kinukuwestiyon ito dahil magkaiba umano ang mga partidong sangkot. Hindi ang City Council ang idinemanda kundi dalawang empleyado ng gobyerno.

Kabilang dito si Baguio City Budget Officer Atty. Letty Clemente at si Alad-iw, administrator ng Maharlika Livelihood Center.

Ayon kay Bilog, ang pagsasampa ng reklamo ay ginawa umano bilang pribadong indibidwal at hindi bilang presidente ng nasabing organisasyon sa Maharlika.

Nakasaad sa reklamo ang umano’y ilang paglabag ng mga kawani ng gobyerno, partikular ang tangkang pagpapaalis sa pwesto na nakapangalan sa anak ng complainant. Nakatanggap umano ito ng sulat na nagsasaad na kailangan nilang lisanin ang pwesto sa loob ng limang araw. Para sa complainant, hindi umano ito naaayon sa batas at may mga paglabag na nagawa.

Samantala, nagsimula na umano ang pagsingil ng mas mataas na upa sa Maharlika, ayon sa ilang tenant.

Ayon kay Bilog, may ilang tenant na lumalapit sa kanyang opisina upang humingi ng payo. May ilan din umanong nagpahayag ng planong magsampa ng reklamo sa mga lokal na korte at maging sa Ombudsman.

Ipinaliwanag ni Bilog na wala pang partikular na taong tinukoy ang mga tenant na nais nilang sampahan ng kaso. Gayunman, tinanong umano siya ng mga ito kung sinu-sino ang bumoto pabor at hindi pabor sa ordinansang nagtaas ng upa sa Maharlika Livelihood Center ng halos 300 porsyento.

Ibinahagi ni Bilog na kabilang sa mga hindi bumoto pabor sa ordinansa sina Councilor Leandro Yangot, Councilor Joel Alangsab, Vladimir Cayabas, Atty. Betty Lourdes Tabanda, at siya mismo.

Ayon kay Bilog, nasa planning stage na ang amendatory ordinance. Walo na umano ang nakausap niyang posibleng mag-sponsor ng nasabing ordinansa. Magsasagawa muna ng konsultasyon bago tuluyang simulan ang drafting nito.

Samantala, patapos na umano ang rehabilitation ng Maharlika Livelihood Center.

Inaaral na rin ng mga kinauukulan ang proseso para sa bidding ng mga uupa sa lugar. Ayon kay Bilog, tila hindi na umano ang mga dating biktima ng sunog ang magiging prayoridad sa pagpili ng mga bagong uupa.

Exit mobile version