BAGUIO CITY – Hinangaan ng Health Justice Philippines ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Baguio City para makamit ang Smoke Free Baguio.
Kabilang dito ang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo at vape lalong-lalo na sa mga bata, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at ang surpise inspection sa mga business establishment na nagdudulot sa pagkakakumpiska ng mga vape, sigarilyo at iba pang tobacco products.
Maliban dito, patuloy rin ang information dissemination campaign ng lokal na pamahalaan, ang pagkapkap sa mga estudyante bago pumasok sa klase at ang pag-isyu ng citation ticket sa mga violators.
Ayon kay Ralph Degolacion, Managing Director ng Health Justice Philippines, isang magandang halimbawa ang lokal na pamahalaan ng Baguio dahil sa mabisang istratehiya nito para masunod ang mga regulasyon at mapigilan ang mga kabataan na malulong sa nasabing bisyo.
Samantala, sinabi naman ni Daryll Kim Longid, Chief Enforcer ng Public Order and Safety Division – Baguio, kinakailangan ang pakikiisa ng komunidad, paaralan at mga magulang para tuluyang mawakasan ang mga problema na dulot ng vape at sigarilyo.
Base sa pag-aaral sa nakalipas na taon, patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga gumagamit ng tabako ngunit patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nagvavape sa lungsod ng Baguio lalo na sa mga kabataan.
Kaya naman nanawagan si Longid sa komunidad at sa mga bisita na na sumunod sa mga polisiya ng lungsod hinggil sa paninigarilyo at vaping.