--Ads--

BUGUIAS, BENGUET — Labis ang pagkalungkot ng dalawang magsasaka sa Amgaleyguey, Buguias matapos manakaw ang tinatayang 300 hanggang 400 kilo ng kanilang mga karot na nakatakda pa sanang anihin ngayong linggo.

Ayon kay Jeffrey Calpo, isa sa mga nagtanim, natuklasan nila noong Oktubre 29 na nawawala na ang malaking bahagi ng kanilang pananim. Wala pa umano silang ideya kung sino ang nasa likod ng insidente.

Ibinahagi ni Calpo na ipinagpaliban muna nila ang pag-ani upang hintayin na tumaas ang presyo ng gulay. Ngunit laking gulat nila nang maunahan sila ng mga magnanakaw.

Batay sa kasalukuyang presyo ng karot na nasa ₱60 kada kilo, tinatayang aabot sa ₱24,000 ang halaga ng kanilang nawalang ani.

Dagdag pa niya, inuupahan lamang nila ang lupang tinamnan ng mga karot kaya’t malaking dagok ito sa kanilang kabuhayan. Hindi na rin daw nila iniulat sa barangay ang nangyari dahil may kaunti pa silang ani na maaari pang mapakinabangan para sa nalalapit na Undas.

Paniwala ni Calpo, sinamantala ng mga magnanakaw ang lokasyon ng kanilang taniman na malapit sa kalsada kaya’t madali itong napasok.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na ninakawan siya ng pananim — una umano ay mga repolyo ang tinangay ilang taon na ang nakalipas.

Umapela naman si Calpo sa mga nasa likod ng pagnanakaw na huwag na sanang ulitin ang ganitong gawain, lalo na’t bawat piraso ng gulay ay bunga ng mahabang paghihirap at pagtitiyaga ng mga magsasaka.