BAGUIO CITY – Inaabangan ngayon ang Himig Hataw Concert: The Cordilleras Pride na ihahandog ng Bombo Radyo at Star FM sa Marso a tres na magsisimula mula alas sinco ng hapon hanggang alas dies ng gabi kung saan, may ipamimigay na libreng Bombo at Star Fm T-Shirts, at iba pang mga giveaways sa mga manonood.
Kasabay ito ng pagsasara sa pamusong Session Road ng City of Pines para sa pagsasagawa ng Baguio Blooms na isa sa mga mahahalagang bahagi ng Baguio Flower festival o Panagbenga.
Nagsimula ang Baguio blooms kahapon matapos ang enggrandeng grand floral float parade hanggang sa Marso- 3 na siya ring pagtatapos ng nasabing selebrason.
Ito ay isang trade fair na dinarayo ng mga tao dahil sa samut-saring mga produktong ibinebenta rito tulad ng mga pagkaing orihinal na gawa sa Cordillera gayundin ang iba’t ibang souvenirs at palamuti.
Kung saan kanya-kanyang ipinuwesto ng mga vendors ang kanilang mga stalls at tents sa session road pagkatapos ng enggrandeng parada.
Samantala, itinuturing naman na record breaking ang tatlumpu’t tatlo na bilang ng makukulay na mga floral floats na ibinida sa grand floral float parade kahapon kung saan dinalohan ito ng libo-libong katao mula sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyon at karatig na lugar.
Masaya ring lumahok ang ilan sa mga celebrities at iba pang personalidad tulad nina Lovie Poe, Beauty Gonzales, Ara Mina, Ejay Falcon, Bong Revilla, Senator Lito Lapid, Benjie Paras at ang dalawang anak nito na sina Andrei Paras at Kobe Paras.
Ayon naman kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, malaki ang maibibigay na tulong ng nasabing pagdiriwang para sa pagkakaisa ng iba’t ibang komunidad.