BAGUIO CITY – Handang-handa na ang mga hotel at accomodation establishments sa Baguio City sa posibleng pagdagsa ng libo-libong turista ngayong mahal na araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Andrew Pinero, Information Officer ng Hotel and Restaurant Association of Baguio, inaasahan nila ang malaking bilang ng mga turista na aakyat simula ngayong araw.
Ayon sa kanya, 90% ang kahandaan ng mga hotel at accomodation establishment sa City of Pines.
Aniya, naobserbahan nila sa mga nagdaang araw na maraming umaakyat sa Summer Capital of the Philippines simula Huwebes at Biyarnes.
Una nang sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio dela Peña na aabot sa 60,000 hanggang 80,000 ang inaasahang bisita ngayong Semana Santa.
Dahil dito, fully booked na ang ibang hotel at transient houses kaya pinaalalahanan ni Pinero ang mga bisita na magpareserba muna sila ng kanilang matutuluyan bago umakyat sa lungsod.
Samantala, muling nagbabala si Pinero sa mga bisita na huwag agad maniniwala sa mga bogus na accomodation establishment na naiaalok sa social media dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima sa online scam.
Hinimok ng nasabing opisyal na bisitahin ang visita.baguio.gov.ph dahil dito makikita ang listahan ng mga lehitimong hotel at accomodation establishments sa City of Pines.
Sa kabilang dako, inihayag ng lokal na pamahalaan na kahit holiday ay maipapatupad pa rin ang number coding scheme sa Baguio City at hindi ligtas dito ang mga turista.