Halos puno na ang mga hotel sa Lungsod ng Baguio habang patuloy na dinarayo ng mga turista ang summer capital ng bansa dahil sa malamig na panahon at papalapit na Panagbenga Festival, ayon sa mga opisyal ng turismo.
Nagsimulang bumiyahe nang maaga ang mga pamilya mula sa kalapit na mga probinsya upang maranasan ang malamig na panahon, na umabot sa minimum na 11.6 degrees Celsius noong Miyerkules, batay sa lokal na monitoring.
Ayon sa Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), inaasahang tataas pa ang bilang ng mga turista sa mga susunod na linggo habang isinasagawa ang iba’t ibang aktibidad ng Panagbenga Festival sa lungsod.
Ani BFFFI spokesperson Andrew Pinero, umabot na sa 80 hanggang 90 porsiyento ang hotel occupancy para sa Pebrero, habang marami ring transient houses ang malapit nang mapuno.
Binalaan rin ng mga opisyal ng turismo ang mga turista na planuhin nang maaga ang kanilang pagbisita upang maiwasan ang problema sa matitirhan sa mga peak days ng festival.
Kabilang sa mga pangunahing kaganapan ng Panagbenga Festival ang Grand Street Dance Parade sa Pebrero 28 at ang Grand Float Parade sa Marso 1, na inaasahang dadaluhan ng maraming tao sa City of Pines.











