--Ads--

Natukoy ng House Committee on Justice sa botong unanimous ang pagkakaroon ng probable cause upang isulong ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng dalawang impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.

Ayon kay House Justice Committee Chairperson Rep. Gerville Luistro, walang miyembrong tumutol sa desisyon kung saan 53 miyembro ang dumalo sa botohan.

Batay sa mga isinagawang pagdinig, tinalakay ang umano’y misuse of confidential funds, mga ulat ng COA ukol sa disallowances, testimonya ng NBI at PSA, at mga ulat ng AMLC hinggil sa malalaking transaksyon ng Bise Presidente at kanyang pamilya.

Inihain din ang mga alegasyon ng grave threats at inciting to sedition kaugnay ng umano’y pahayag laban sa Pangulo at kanyang pamilya.

Ayon kay Rep. Leila de Lima, sapat at higit pa sa probable cause ang mga ebidensiyang nailahad.

Giit naman ng komite, nabigyan na ng due process ang Bise Presidente sa kabila ng hindi pagdalo nito sa mga pagdinig.

Ang mga reklamo ay tumutukoy sa betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pang mabibigat na alegasyon kabilang ang umano’y unexplained wealth at misuse of confidential funds.