--Ads--

KABUGAO, APAYAO – Patuloy ang opensiba ng Philippine Army laban sa natitirang miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) sa ilalim ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) na umano’y nagtatago sa kabundukan ng tri-boundary ng Abra, Apayao, at Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, kinumpirma ni Colonel Daryl Bañez, Acting Commander ng 503rd Infantry Brigade, na nagsimula ang mga engkuwentro noong Abril 5 sa Sitio Dagui, Barangay Maragat, Kabugao, Apayao.

Ayon kay Bañez, rumesponde ang mga sundalo ng 98th Infantry Battalion matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente ukol sa presensya ng armadong grupo na sapilitang nangongolekta ng bigas at kape sa mga kabahayan. Dalawang sagupaan ang naganap noong Abril 5 at sinundan pa ito ng panibagong engkuwentro noong Abril 7.

Bagama’t walang nasugatan o nasawi sa panig ng militar, narekober ang ilang kagamitan na may bakas ng dugo—palatandaan ng mga nasugatang rebelde. Patuloy ang clearing operations upang matiyak ang seguridad sa lugar at matunton ang posibleng nasawi o nasugatan.

Kabilang sa mga narekober ay limang high-powered firearms, 22 improvised explosive devices (IEDs), at mga subersibong dokumento. Ayon kay Bañez, ang paggamit ng IEDs ay labag sa International Humanitarian Law at patunay ng banta ng grupo sa seguridad ng rehiyon.