--Ads--

BERUIT, LEBANON- Nanindigan ang ilang mga Overseas Filipino Workers sa Lebanon na wala pa silang balak umuwi ng Pilipinas sa kabila nang patuloy na paghimok sa kanila ng Department of Foreign Affairs na bumalik muna ng bansa dahil sa nangyayaring kaguluhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kina Prescilla Napuli at Elvie Tano, mga Overseas Filipino Workers sa Lebanon, bagamat may ilang bahagi ng Lebanon na apektado sa pambobomba ng Israel, sinabi nila na stable pa naman ang sitwasyon sa Adlieh, Beruit at Sabtiye Dekweneh, Beruit na kanilang kinaroroonan.

Ayon sa kanila, nangangamba ang mga ito sa maaaring mangyari sa kanilang mga pamilya kapag uuwi sila ng bansa na walang sapat na ipon at walang madadatnan na trabaho.

Samantala, tiniyak umano ng kanilang mga amo na hindi nila pababayaan ang kanilang seguridad.

Gayunpaman, wala umano silang magagawa kung darating ang pagkakataon na iutos ng embahada ng Pilipinas ang malawakang repatriation kung lalala pa ang kaguluhan sa Lebanon.

Ayon kina Prescilla at Elvie, sa kasalukuyan ay hindi nila naririnig ang pagsabog ng bomba at missile sa Beruit kung ikukumpara sa mga nakaraang araw kaya umaasa lamang ang mga ito sa mga babala dahil walang bomb shelter sa mga kabahayan.

Ayon sa kanila, walang tigil ang mga babala na natatangagap nila kaya may mga pagkakataon na tumatakbo sila upang makapagtago sa mga ligtas na lugar.

Sa kabilang banda, pinaalalahanan nila Prescilla at Elvie ang kanilang kapwa mga Overseas Filipino worker sa Lebanon na maging maingat at huwag agad maniwala sa mga negatibong balita sa social media tungkol sa nangyayari sa Lebanon.

Nanawagan naman sila sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas na huwag silang mag alala dahil ligtas sila at hinding hindi sila pababayaan ng gobyerno.//mp4