--Ads--

ATOK, BENGUET – Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Atok sa mga taxi drivers na huwag maningil ng Environmental Fee mula sa mga turista maliban sa kanilang pamasahe.

Ayon sa munisipyo, may ilang taxi drivers na kinontrata ng mga turista papuntang Atok ang naniningil ng Environmental Fee ngunit hindi ito ibinabayad sa tamang tanggapan ng gobyerno.

Iginiit ng lokal na pamahalaan na kinakailangang bayaran muna ng mga bisita at turista ang Environmental Fee bago bumisita sa alinmang tourism site sa Atok.

Gayunpaman, nilinaw rin na tanging ang Municipal Treasury Office lamang ang awtorisadong maningil ng nasabing bayad. Hindi ito maaaring kolektahin ng mga taxi driver, may-ari o operator ng tourism sites, o sinumang pribadong indibidwal.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng pamahalaang bayan na ang anumang arrangement o agreement na ginawa sa ibang indibidwal o grupo, kabilang ang travel and tour packages, ay hindi kikilalanin kung walang Official Receipt mula sa munisipyo.

Dahil dito, mahigpit na pinaaalalahanan ang lahat ng turista na siguraduhing may dalang Official Receipt bilang patunay ng tamang pagbabayad bago pumasok sa alinmang tourism site sa Atok.