Hinahanap ngayon ni Nolyn Haplit Sumakey, 30-anyos, at isang ina ang indibidual na nakabangga sa kanyang anak na isang kinder at limang taong gulang pa lamang.
Ito ay matapos magtamo ng gasgas sa ulo, black eye at pasa sa kanang mata nito.
Sa social media account ni Sumakey, mababasa ang paghingi nito na magpakita na ang gumawa sa kanyang anak para buong pusong humingi ng pasensya o patawad.
Inaamin ni Sumakey na maaaring may nagawa ang kanyang anak na hindi maganda pero naniniwala siyang hindi sapat ito para gawin sa kanyang anak ang nangyari at iwan na lamang ito sa kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sumakey sa pamamagitan ng text message, sinabi niyang nangyari lamang ito noong Agosto 9, sa oras ng 10:35 ng umaga sa Sitio Line-10, Ekip, Bokod, Benguet.
Sa kuha naman ng CCTV footage, makikitang masayang naglalaro ang mga bata kasama ang iba pang mga studiante nang bigla na lamang may motor na nakabangga sa bata at agad na naihagis ang tsinelas ng bata.
Nakita na lamang ito ng mga studiante at agad namang rumesponde ang mga concerned citizen sa nangyari sa bata.
Ayon kay Sumakey, umuwi na lamang ang bata na nakasakay sa isang sasakyan ng isang concerned citizen at nang makita ng tatay ang sitwasyon ng bata, agad itong nagdesision na isugod na lamang ito sa pinakamalapit na hospital.
Nagtungo ito sa Daclan Molintas Dennis Hospital at finorward sa Benguet General Hospital.
Sa ngayon, naireport na ito sa Bokod Municipal Police Station at ipinasigurado na titignan pa ang isang CCTV footage dahil hindi umano clear ang unang CCTV footage na nahagip ang isang indibidual na nakabangga sa bata.