--Ads--

BAGUIO CITY — Isang anak ang nagluluksa at humihiling ng hustisya matapos masawi ang kanyang 65-anyos na ama sa isang trahedyang naganap sa 29 Imelda Barangay Marcos Highway, Baguio City

Sa isang emosyonal na salaysay, ikinuwento ng anak ang buhay ng kanyang ama bilang isang taxi driver na tapat na nagsilbi sa lungsod ng Baguio sa loob ng 40 taon.

“Taxi driver ang father ko. Apatnapung taon siyang nagserbisyo sa lungsod ng Baguio. Sa kita niya sa pagmamaneho kami nabuhay. Maingat siyang magmaneho, at kailanman, hindi siya nasangkot sa anumang aksidente. Hindi siya nakabunggo, hindi nakadisgrasya. Inaalala niya ang bawat pasahero,” saad ng anak.

Ngunit sa kabila ng dekadang pag-iingat sa kalsada, isang iglap lang ang ikinasawi ng kanyang ama matapos mabundol ng isang 22-anyos na driver. Ayon sa anak, galing umano ang suspek sa isang despedida party, may hangover, at nakatulog habang nagmamaneho.

“Ang sakit sa puso. Inalay ng tatay ko ang buong buhay niya sa pagiging maingat na driver, pero sa huli, siya ang naging biktima ng kapabayaan ng iba. Retirado na siya. Ngayon pa lang niya nasisimulang i-enjoy ang buhay—wala na siyang kailangang pagtrabahuhan dahil kami na ang bahala sa kanya. Pero bakit kailangang matapos nang ganito?” dagdag pa ng anak.

Batay sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima na si Danilo Ventura sa gilid ng kalsada sa Barangay Imelda, Marcos Highway nang bigla siyang mabundol ng isang sasakyang minamaneho ng suspek. Ayon sa imbestigasyon, posibleng nakaidlip ang driver habang nagmamaneho. Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matitinding sugat ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Sa huli, nanawagan ang anak hindi lamang para sa hustisya para sa kanyang ama, kundi para sa mas ligtas na kalsada para sa lahat.

“Hindi ito dapat mangyari sa kahit kanino. Sana makuha ng ama ko ang hustisya na nararapat sa kanya. Huwag po kayong magmaneho nang lasing, may hangover, o inaantok. Isang buhay na naman ang nawala dahil sa kapabayaan.”