--Ads--

BAGUIO CITY – Halos isang bundok ang nasunog sa Paoay, Atok, Benguet dahil sa patuloy na forest fire.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atok Mayor Franklin Smith, nahirapan ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Tuba na apulahin ang malawak na sunog na nangyari kahapon kaya humingi sila ng tulong mula sa munisipyo ng Buguias at Tublay.

Ayon kay Smith, hindi naman naapektuhan ang pagdagsa ng mga turista dahil malayo ang sunog sa mga tourist destination.

Gayunpaman, posible pa ring makaapekto ito kung magpapatuloy pa ang pagkasunog ng mga kagubatan sa kanilang munisipyo.

Ayon pa sa Mayor, wala namang kabahayan ang naapektuhan sa forest fire pero ilang bahagi ng kalsada ang temporaryong isinara sa Atok, Benguet kahapon dahil sa posibleng pagkahulog ng mga bato na dulot ng nararanasang forest fire.

Sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy ang lawak ng mga kagubatan na nasunog sa Atok, Benguet at ang dahilan nito.

Samantala, patuloy pa rin ang mga naitatalang forest fire sa ibat-ibang bahagi ng Benguet at Mt. Province.

Kamakailan lamang ay naitala rin ang pagkasunog ng mga kagubatan sa Tuba, Benguet.

Kaninang umaga ay naitala rin ang insidente ng forest fire sa Sitio Napu, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province na nagdulot ng pagkaantala sa biahe ng mga motorista.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang naturang insidente.

Dahil sa patuloy na forest fire, nagbabala si Atok Mayor Franklin Smith sa publiko.