--Ads--

BAGUIO CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang jail officer na nadakip sa anti-drug operations sa Father Carlo Loop, Session Road, Baguio City.

Nakilala ito na si Senior Jail Officer 2 Donald Tauli Kelly Jr., 49-anyos, nakadestino sa Itogon Municipal Jail, tubo ng Sagada, Mt. Province at residente ng Antamok, Tram, Itogon, Benguet.

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang brittle object na nakabalot sa cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu, pistol holster, caliber 9mm, dalawang magazine na naglalaman ng 24 na bala, sling bag at cellphone.

Maliban dito ay nakuha rin sa pag-iingat nito ang P9,000 boodle money at P1,000 bill genuine money.

Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang nasabing jail officer at nang magkaroon sila ng pagkakataon ay isinagawa nila ang drug buy bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.

Sama-samang naglunsad ng operasyon ang puwersa ng Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera, City Intelligence Unit, at Baguio City Police Office Station 7.