Cancer cells, illustration.
--Ads--

Patuloy na ikalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Baguio City ang kanser, ayon sa City Health Services Office o CHSO.


Sa tala mula 2018 hanggang 2025, umabot na sa 3,216 ang kaso ng kanser sa lungsod. Pinakamataas ang naitala noong 2025 na may 593 kaso. Kabilang sa mga pinakakaraniwang uri ang kanser sa suso, kanser sa dugo, at kanser sa baga.


Tumaas din ang bilang ng mga nasawi dahil sa kanser—mula 317 noong 2023 hanggang 330 noong 2025—kasunod lamang ng mga sakit sa puso bilang pangunahing sanhi ng pagkamatay.


Upang matugunan ito, pinalakas ng lungsod ang Baguio City Integrated Cancer Control Program sa ilalim ng ordinansa noong 2024. Mayroon nang libreng screening para sa breast at cervical cancer sa lahat ng 16 District Health Centers.


Mayroon ding Cancer Care Clinic sa CHSO sa T. Alonzo Street na bukas tuwing Huwebes, alas-10 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.


Pinaaalalahanan ang publiko na magpatingin agad kapag nakararanas ng mabilis na pagbaba ng timbang, matinding pagkapagod, hindi maipaliwanag na pananakit, at pagkakaroon ng bukol.


Ayon sa CHSO, mahalaga ang maagang pagsusuri at malusog na pamumuhay upang maiwasan ang kanser.